HINDI uusad ang sektor ng agrikultura kung hahaluan ng pulitika pati ang dapat sana’y suportang ipinamamahagi ng pamahalaan sa hanay ng magsasaka.
Para kay AGRI partylist Rep. Wilbert Lee, taliwas sa isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sumbong ng mga magsasakang aniya’y hindi nakatatanggap ng suportang kaloob sa ng pamahalaan.
Ang dahilan – pulitika.
Panawagan ng kongresista, tupdin ng mga ahensya ng pamahalaan ang polisiya ng administrasyon, partikular sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa hangaring tulungan ang mga magsasaka tungo sa mas mataas na produksyon at kita.
“May mga subsidy at iba-ibang tulong ang gobyerno para sa magsasaka. Sa Kongreso pinaglaanan yan ng pondo. Ang problema, di naman nagagamit dahil sa dami ng requirements,” litanya ni Lee.
“Tapos nakakalungkot na malalaman natin na may instances na naiipit ang mga assistance para sa farmers’ groups dahil hindi nila kasundo ang mga opisyal. Yung support for farmers, dapat insulated from politics yan,” hirit pa ng ng Bicolano lawmaker.
Ayon kay Lee, ang gobyerno ang siyang taga-agapay at hindi dapat pabigat sa taumbayan, nandiyan para pagaanin ang pasanin ng bawat mamamayan.
“Importante na makuha nila ang support at mahalaga na makuha nila ito on time, hindi kung kailan tapos na ang harvest season,” dagdag ng Agri partylist solon.
“Winner tayo lahat kapag nakakuha ang ating mga magsasaka ng suporta. They become more productive, their output increases, and food supplies stabilize and become more affordable for all.”