HALOS limang taon matapos maging ganap na batas ang Republic Act 11223 na mas kilala sa tawag na Universal Health Care Act, nanatiling salat sa kalingang pangkalusugan ang mga katutubo nasa mga kabundukan, ayon kay Anakalusugan partylist Rep. Ray Reyes.
Para kay Reyes na tumatayong vice chairman ng House Committee on Health, mas dapat pagtuunan ng pansin ang pagkakaloob ng iba’t-ibang serbisyong medikal sa mga indigenous people’s community, maging sa mga residente ng malalayong lugar sa bansa.
Sa isang pahayag, lubos ang pagkadismaya ni Reyes sa aniya’y matabang na implementasyon ng RA 11223 kung saan isa sa mga prayoridad ay ang kapakanan at kalusugan ng mga katutubo sa mga liblib na lugar.
“Medical services should be accessible, and we will continue to push for programs and legislation that would allocate more funds to bring health services closer to the people, especially our indigenous communities,” ayon sa pro-health advocate solon kasunod ng isinagawang medical mission para sa mga katutubong Dumagat sa bayan ng Doña Remedios Trinidad, lalawigan ng Bulacan.
“The healthcare needs of our indigenous people’s communities should not be neglected and the services provided by the government should reach them no matter where they are situated,” dagdag pa ng kongresista kaugnay ng abang kalagayan maging sa hanay ng mga katutubong Mangyan sa Mindoro.
Nauna rito, nagsagawa rin ang grupo ni Reyes ng vaccination drives Bauan, Laurel, Balete, Sta. Teresita, Malvar, at Nasugbu, pawang sa lalawigan ng Batangas. Dumayo rin ang grupo sa mga lalawigan ng Bulacan at Romblon kung saan naman sumipa ang feeding program sa pangunguna ng Anakalusugan partylist group.
Pinamunuan din ng kongresista ang magkakahiwalay na medical and dental missions sa Norzagaray, Angat, San Juan del Monte, at Sta. Maria, sa lalawigan ng Bulacan; Hamtic, Bugasong, Pandan, Valderrama, Patnongon, San Remigio, Sibalom, at Anini-y sa Antique province; at sa mga bayan ng Lobo, Bauan, at Tingloy sa Batangas.
Sinabi ni Reyes na base sa kanilang pag-ikot sa iba’t-ibang lugar sa bansa, kapansin-pansin na kulang at may pagkakataon pang wala talagang nakukuhang serbisyong pagkalusugan ang ilang IP at rural communities.