Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA sa isang kongresista ng Kamara, mahihirapan nang mabawi ni Vice President Sara Duterte ang tiwala ng mamamayan sa patuloy na pagtanggi ilahad ang paliwanag kung paano ginastos ang pondo ng mga pinamumunuan tanggapan.
Sa pagtataya ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr., patuloy na lalagapak ang approval at trust ratings ni VP Sara.
Sa isang pahayag, naninindigan si Gonzales na hindi pwedeng isisi sa iba ang bunga ng sariling kagagawan ni VP Sara.
“Hindi natin ikinakagulat ang patuloy na pagbaba ng ratings ni VP Duterte, lalo na’t hindi siya nagbibigay ng sapat na paliwanag ukol sa paggamit ng pondo ng OVP at DepEd. Pera ng bayan ang pinag-uusapan dito, kaya’t obligasyon niyang ipaliwanag ang mga kinukuwestiyong hindi tamang paggugol ng pondo,” wika ng ranking House official.
“People expect public officials to be transparent in the use of government funds. Kaya hindi nakapagtataka na bumabagsak ang kanyang ratings dahil sa kanyang patuloy na pag-iwas sa mga tanong tungkol sa pondong ito,” dagdag niya.
Ani Gonzales, pinapahalagahan ng publiko ang pagkakaroon ng pananagutan ng mga opisyal ng bayan at hindi ito dapat isantabi ni Duterte kasama na ang pagiging responsable sa paggastos ng pondong ipinagkatiwala sa kanyang opisina.
Sa Pulse Asia survey na isinagawa nitong nakaraang buwan, nakapagtala lang ng 60% approval rating ang pangalawang pangulo – mas bumaba ng 9% kumpara sa survey noong Hunyo 2024. Bumagsak din ng 10% ang trust rating ni VP Sara —mula 71% noong Hunyo 2024 ay naging 61% na lang.
“At sa pakiwari ko, bababa pa ito. Galit ang tao sa hindi tamang paggamit ng pondo ng taumbayan, lalong-lalo na’t hindi siya humaharap sa pagdinig ng Kongreso para ipaliwanag ang mga nakitang irregularidad,” ani Gonzales,
Matatandaan na kinuwestyon ng Commission on Audit (COA) ang paggamit ng tanggapan ni Duterte sa P125 milyong confidential fund nito noong 2022. Dahil hindi pa rin naipapaliwanag ng OVP ang paggastos ay naglabas na ito ng Notice of Disallowance.
Sa unang tatlong quarter ng 2023, pinuna rin ng COA ang paggastos ng P164 milyon sa P375 milyong confidential fund ng tanggapan ni Duterte batay sa inilabas na audit observation memorandum (AOM).
“Hindi lamang isang beses ang nakita nating paglabag, kundi tila paulit-ulit na pattern ng posibleng pang-aabuso sa paggamit ng confidential funds. Ang P73 million na hindi pinahintulutan noong 2022 ay inulit sa 2023,” aniya pa.
Kinondena rin ng mambabatas ang naging paggamit ni Duterte ng badyet ng Department of Education (DepEd) noong ito pa ang kalihim ng ahensya partikular ang pagpapatupad ng school-based feeding programs at sa pagbili ng mga computer.
Ayon sa ulat ng COA, inaamag na at mayroong insekto ang mga nutribun at panis na ang gatas na dinala sa mga pampublikong paaralan sa maraming rehiyon. Hindi rin umano na-deliver sa mga paaralan sa oras ang mga biniling computer laptop at iba pang gamit sa mga eskwelahan.
“Ang mga kabataan at estudyante ang direktang naapektuhan ng mga aberya sa DepEd, lalo na’t mga maselang proyekto tulad ng feeding program at school supplies ang pinag-uusapan dito. Hindi maaaring balewalain ang mga isyung ito dahil may mga buhay at kinabukasan ang nakataya,” dagdag pa ni Gonzales.
“Kailangan nating ipakita na walang sinuman ang nakatataas sa batas. Kailangang humarap siya at sagutin ang mga tanong ng publiko, lalo na’t ito ay may kinalaman sa pondo ng bayan,” hirit ng Pampanga solon.
Karagdagang Balita
PAGDALO NI DIGONG, TABLADO NA SA QUAD COMM
PERA-PERANG POGO RAID, TATALUPAN NG KAMARA
BINAWING SUSPENSION ORDER VS. ERC CHIEF, FAKE NEWS?