
HUMIGIT kumulang 200 indibidwal ang kalaboso matapos salakayin ng pinagsanib na pwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Bureau of Immigration (BI) sa lungsod ng Pasay.
Ayon kay Undersecretary Gilbert Cruz na tumatayong hepe ng PAOCC, huli sa akto ang mga empleyado ng naturang illegal POGO hub habang isinasagawa ang online modus na higit na kilala sa tawag na “love scam.”
Sa isinagawang imbentaryo ng mga arestado, lumalabas na malaking bahagi ng bilang ng mga suspek ay pawang Chinese nationals.
Gayunpaman, patuloy pang bineberipika ng immigration bureau kung may dokumento sa pananatili sa bansa ang mga kalabosong Tsino.
Buwan ng Hulyo nang tuluyang ipagbawal ng gobyerno sa bisa ng Executive Order na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, ang POGO operation matapos mabisto ang iba’t ibang anyo ng panloloko sa likod ng naturang negosyong kontrolado ng mga Tsino.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa paniwalang kabilang sa mga naaresto ang mga kapural ng illegal POGO.