
MALALIMANG imbestigasyon ang isasagawa ng House Committee on Dangerous Drugs hinggil sa sunud-sunod na pagpasok ng bilyon-bilyong halaga ng droga sa bansa nitong mga nagdaang araw at linggo.
Noong Oktubre 4, nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang 323 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P2.2 bilyon na nakasilid sa isang shipment ng beef jerky galing Mexico.
Mismong si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang nag-utos kay Rep. Robert Ace Barbers, Chairman ng Dangerous Drugs, na alamin kung bakit sunud-sunod ang pagpasok ng droga sa bansa at kung sino ang mga nasa likod nito.
“We want to find out sino ang nasa likod nitong bilyon-bilyong shipments ng droga sa bansa at hanapin ang kanilang mga protector,” dagdag pa ng Speaker of the House.
Aniya, “ang utos kasi ng pangulo walang sasantuhin kahit opisyal ng gobyerno ang involved o ang protektor. Pero ang mahalaga hangga’t maaari iwasan ang mga patayan”.
Noong nakaraang buwan lang 538 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon ang nasabat sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga.
Bago niyan, 200 kilo ng shabu na P1.2 bilyon ang halaga ang nadiskubre sa loob ng abandonadong kotse sa Mabalacat, Pampanga.