
SA kabila pa ng babala ng mga magsasaka, kumbinsido ang administrasyon na walang magaganap na krisis sa supply ng bigas sa mga susunod na buwan.
Gayunpaman, inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bahagyang bumaba ang produksyon ng mga magsasakang Pilipino.
“No. I don’t,” ani Marcos sa isang ambush interview sa lalawigan ng Bulacan kung saan inilunsad ang programang pabahay ng pamahalaan.
“There is a chance na ninipis talaga yung supply because nga nung magkasabay-sabay yan. So we are watching and waiting to see what the production levels are going to be after the last planting season before the harvest, for the upcoming harvest,” ani Marcos bilang tugon sa babala ng Federation of Free Farmers (FFF).
Ayon sa FFF, daranas ang bansa ng kapos na supply ng bigas pagsapit ng Hulyo – tagpong tatagal anila hanggang sa buwan ng Setyembre – tulad ng nangyari sa bansa limang taon na ang nakaraan.
Gayunpaman, naniniwala ang Pangulo na tataas na ulit ang supply pagsapit ng anihan – “Basta if all things remain equal, we have enough supply and that we’ll be able to keep the prices stable.”
Aminado rin si Marcos na sadyang darating sa punto na kailangan umangkat ng bigas mula sa ibang bansa para masiguro ang supply bago pa man sumapit ang panahon ng anihan.
“It is in the dry part where we are waiting for the last planting to be harvested. So ‘yun ang tinitingnan natin. We may have to import. We’re keeping that option open,” aniya pa.
Pagtitiyak pa ng punong ehekutibo, gumagawa ng paraan ang pamahalaan para punan ang kakulangan sa buffer stock ng National Food Authority (NFA).
“Ngayon, kung sasabay tayo sa harvest season na bumili, ang NFA, tataas ang presyo ng bigas. Kaya’t yun ang pino-problema ngayon namin. Paano natin gagawin ‘yun? Saan natin kukunin ‘yung pang-replenish doon sa NFA,” wika pa ni Marcos.
“We have to have that buffer stock and that’s the problem that we are wrestling with now dahil talagang binabantayan natin ang mga presyo ng mga agricultural commodities. Siyempre, lalong-lalo na ang bigas,” pagtatapos ng Pangulo.