ARESTADO na ang isa sa mga suspect sa pambobomba sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City noong Linggo, ayon sa military ngayong Biyernes.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Public Affairs Office (AFP PAO) chief Colonel Xerxes Trinidad, kinilala ang suspect na si Jaffar Gamo Sultan alias Jaf at Kurot.
Nadakip ang pinaniniwalaang salarin noong Miyerkules sa Barangay Dulay Proper sa Marawi City.
Si Sultan ay kasama umano ng isang alias Omar, ang sinasabing nagdala ng improvised explosive device sa Dimaporo Gymnasium sa loob ng unibersidad.
Nabawi rin ang dalawang motorsiklo sa ginawang operasyon.
Patuloy pa ring pinaghahanap ang iba pang kasama ni Sultan.
Noong Linggo, binomba ng mga suspekang MSU gym habang idinadaos ang misa. Apat ang nasawi habang marami naman ang sugatan.
Ikinagalak ni MSU Marawi Board of Regents Secretary Atty. Shidik Abantas ang pagkakadakip sa suspect at sinabing seryodo ang gobyerno na makamit ang hustisya sa naganap na trahedya.
“We welcome this update as it shows that our security forces are serious in finding justice to the victims of the unfortunate incident,” sabi nito.
“Rest assured, that the university will extend all the necessary help it can provide to the authorities in order to deliver justice to the victims,” dagdag pa ni Abantas.