
Ni Romeo Allan Butuyan II
SUKDULANG pagkadismaya ang ibinulalas ni House Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo sa kabiguan ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) na tuparin ang pangakong pagbaba sa presyo ng bigas matapos ang panahon ng anihan partikular ngayong holiday season.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga, nagisa ang mga agri officials, gayundin ang mga kinatawan ng National Food Authority (NFA) na hiningan ng paliwanag kung bakit nananatiling mataas pa rin ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.
“Whatever happened to that promise na bababa [ang presyo ng bigas], because people were waiting? Bakit hindi po bumaba?,” pag-uusisa ni Tulfo.
Ayon sa ranking House official, sa kanilang isinagawang surprise inspection ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Farmers’ Market sa Cubao, Quezon City kamakailan, nabatid nilang bigo ang DA sa pagtitiyak nitong bababa ang halaga ng bigas sa dinatnan bentahang naglalaro sa pagitan ng P52 hanggang P60 kada kilo.
Sinisi naman ni NFA chief Roderico Bioco ang mababang rice production sa nakalipas na tatlong taon, mababang antas ng paggamit ng abonong inaasahang magbibigay ng mas maraming ani, at mga kaganapan sa pandaigdigang merkado, bilang mga dahilan sa hindi pagbaba sa presyo ng staple food sa bansa.
Paalala ni Tulfo sa DA officials, desidido ang Kamara sa pamumuno ni Speaker Romualdez na panagutin ang mga mapagsamantalang negosyante, gayundin ang mga pabayang opisyales na inaasahang tutulong sa administrasyon sa isinusulong na programang sapat at abot-kayang pagkain para sa sambayanang Pilipino.
“The Christmas season is meant to be a time of giving and compassion, and we want to make sure that prices of goods are affordable to a great majority of our people,” ang naging pahayag ng lider ng Kamara.