PARA kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., higit pa sa anomalya ang bumabalot sa likod ng bagsak-presyong pagbebenta ng National Food Authority (NFA) sa buffer stock ng bigas na nasa ilalim ng kustodiya ng naturang ahensya.
Kasabay ng pahayag ng pagkadismaya, kinatigan din ni Marcos ang anim na buwang suspensyon sa 139 NFA officials na pinaniniwalaang kasapakat ng mga rice traders na pinagbentahan ng buffer stock ng bigas sa presyong P25 kada kilo.
Sa datos ng NFA, P23 kada kilo ang bili ng gobyernno sa palay na ani ng mga lokal na magsasaka.
Ayon sa Pangulo, napapanahon na rin aniyang rebisahin ang proseso sa pag-apruba ng NFA board nang hindi man lang dumadaan sa Department of Agriculture.
Kumbinsido rin si Marcos na sadyang binalewala ng mga sinuspindeng NFA officials ang kagawaran para mailusot ang bulilyasong bentahan ng bigas na sadyang nakalaan sa mga pamilyang walang kakayahan.
Suspetsa ng Pangulo, mas nangibabaw ang pansariling interes ng mga opisyales ng naturang ahensya ng gobyerno.
“So, we have taken the safe measure of suspending all of those who have been involved in any of these wrongdoings such as the anomalous sale but also the cavalier way in which the procedures that have been set out in the rules have been ignored.”
Pasok sa talaan ng mga suspendido sina NFA Administrator Roderico Bioco at NFA Assistant Administrator for Operations John Roberto Hermano, kasama na ang 12 regional managers, 27 branch managers at 98 warehouse supervisors.
