KINUWESTIYON ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang umano’y “selective policy” ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y ghost projects.
Partikular na tinukoy ni Cayetano ang aniya’y limitadong atensyon ng departamento sa alegasyon ni Senador Panfilo Lacson hinggil sa umano’y irregularidad sa mga proyekto kontra baha sa lungsod ng Taguig.
“Pinapacheck natin… Hindi ko pa alam. Pinapacheck natin sa district engineer,” wika ni Dizon.
Sa isang Facebook live noong Hulyo 19, sinabi ni Cayetano na kung may mga alegasyon sa iba’t ibang lugar, dapat lahat ay mabusisi at hindi lang ang Taguig.
“Sabi nga ni Manong Chavit Singson, sa Ilocos daw meron. Ewan ko kung totoo o hindi. Pero ang tinitingnan lang ni Senator Lacson ay Taguig,” aniya.”Ba’t hindi mo ipatawag isa-isa yan? Bakit sa Taguig ka lang nakatingin?” dagdag niya.
Sinabi rin ni Cayetano na noong Abril ay personal na ininspeksyon nina Dizon, Taguig Mayor Lani Cayetano, at mga opisyal ng DPWH ang ilang infrastructure projects sa lungsod bilang bahagi ng monitoring ng ahensya.
Ayon kay Cayetano, handa siyang managot kung may mapatutunayang irregularidad sa mga proyekto sa nabanggit na lungsod.
Pero iginiit niyang dapat maging patas ang pagbusisi sa lahat ng proyekto at huwag pumili lamang ng isang lugar na pagtutuunan ng pansin.
“Integrity is very important. So, why not give integrity sa investigation natin sa flood control at sa lahat ng malalaking corruption issues? Ngayon kasi, bad governance at ‘bend the law.’ Tapos tatakpan na lang sa maraming ayuda para wala na lang magtanong. Tapos kapag may nagtanong, ikulong na lang ‘yan,” diin ni Cayetano.
