
MATAPOS masungkit ang suporta ng kinabibilangang partido, inamin ng isang bagitong senador na target niyang isulong ang pagpapalawig ng termino ng lahat ng mga halal na opisyal sa sandaling umarangkada ang Charter Change (ChaCha).
Sa isang panayam, partikular na tinukoy ni Sen. Robin Padilla ang amyenda sa mga political provisions ng 1987 Constitution bago pa man sumapit ang 2025 midterm elections.
“Isusulong ko ‘yan sa 2024 para sa 2025 elections,” ani Padilla na tumatayong chairman ng Senate committee on constitutional amendments and revision of codes.
Nasa likod naman ng dating artistang masigasig sa paglilibot sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ang Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na kilala sa agresibong pagtutulak ng federalismo bilang istruktura ng gobyerno.
Araw ng Lunes (Marso 20) nang idinaos ng Senado ang isang executive session kung saan tinalakay ang ChaCha.
Sa kalatas ng tanggapan ni Padilla, nakatakda rin anilang pakipagpulong ang mambabatas sa mga miyembro ng Kamara sa hangaring makasungkit ng suporta sa isinusulong na term extension.