ANIM ang sugatan matapos sumabog ang bombang iniwan ng hindi pa nakikilalang suspek sa nakaparadang bus sa bayan ng Isulan sa lalawigan ng Sultan Kudarat kaninang tanghali.
Sa paunang ulat ng Sultan Kudarat Provincial Police Office, dakong alas 12:20 ng tanghali nang sumambulat ang bombang pinaniniwalaang iniwan ng di pa natutukoy na grupo sa ibabang bahagi ng double-decker bus na pag-aari ng Husky Tours habang nakaparada sa terminal sa terminal.
Gayunpaman, ligtas na sa panganib ang anim na hindi pinangalanang biktima.
“The explosion hit the lower deck of the bus. Six individuals suffered injuries but are now in safe condition in the hospital,” ayon kay Sultan Kudarat Provincial Police chief Lt. Col. Lino Capellan,
Bago pa man ang naturang insidente, inamin na Capellan na may natanggap na silang impormasyon hinggil sa planong pambobomba ng hindi tinukoy na grupo sa nasasakupang lalawigan sa hangaring maghasik ng gulo.
Buwan ng Nobyembre ng nakalipas na taon nang pasubugan rin ng bomba ang isang pampasaherong unit ng Yellow Bus Line sa lungsod ng Tacurong kung saan isa ang nasawi habang sugatan naman ang 14 na iba pa.
Sa imbestigasyon, lumalabas na target ng grupong Dawlah Islamiyah na kikilan ang kumpanyang (Yellow Bus Line) nagmamay-ari ng pinasabog ng bus.
Kabilang rin sa sinisilip na motibo ng pulisya ang pangingikil sa nasabing grupo sa Husky Tours bago pa man naganap ang pagpapasabog ng tourist bus.
Batay sa rekord ng Husky Tours, patungo sana sa General Santos City ang pinasabog na bus na bumiyahe pa mula sa Cotabato.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente.
Wala pang pahayag ang Husky Tours.