November 11, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

TEVES TUTULUYAN KUNG DI SISIPOT SA LOOB NG 60 ARAW

NI LILY REYES

MAKARAANG patawan ng 60 araw na suspensyon bunsod ng pagmamatigas na bumalik sa Pilipinas, muling magpupulong ang House Ethics Committee pra pag-usapan naman ang kapalaran ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves sa sandaling hindi pa rin sumipot sa loob ng dalawang buwan.

“Siguro we will meet and maybe if Representative Teves will continue to defy, and after 60 days, siguro kailangan mag-meet ang committee on ethics on the next action,” sambit ni ACT Teachers Partylist France Castro sa isang panayam sa telebisyon.

Pahiwatig ni Castro na tumatayong deputy minority leader ng Kamara, posibleng talakayin ang tuluyang pagsibak sa kongresistang itinuturong utak sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walong iba pa noong Marso 4.

Paliwanag ng militanteng kongresista, mas mabigat na kastigo ang nakaamba kay Teves na sinuspinde kahapon ng Kamara ng 60 araw dahil sa pagliban sa trabaho bilang mambabatas.

Gayunpaman, nilinaw ni Castro na pwede rin naman bawiin ang suspension order kay Teves kung babalik ang bruskong kongresista bago pa man matapos ang 60-araw na suspensyon.

Habang suspendido pa si Teves, iminungkahi rin ng lider ng minorya na magtalaga ng pansamantalang kahalili ng nagtatagong kongresista.