MATAPOS ang galos isang buwan, nagpasya ang Maritime Industry Authority (Marina) na maglabas ng dalawang cease-and-desist order (CDO) laban sa kumpanyang nagmamay-ari ng lumubog na MT Princess Empress na nagdulot ng malawakang perwisyo sa karagatang sakop ng limang lalawigan.
Ayon kay Marina Administrator Hernani Fabia, hindi muna pwedeng maglayag sa karagatan ang anumang sasakyang dagat na pagmamay-ari ng RDC Reield Marine Services.
“One is for purposes of cancellation of the franchise or the certificate of public convenience, while the other one is for the company to cease and desist operations,” ani Fabia sa ginanap na pulong ng Oil Spill Inter-Agency Committee sa Department of Justice (DOJ).
Aniya, mananatili ang suspensyon hangga’t hindi pa natatapos ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng oil spill na umabot sa baybaying bayan ng mga lalawigan ng Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Antique, Palawan at Batangas.
Sa naturang pulong isiniwalat ni Justice Secretary Crispin Remulla na ‘rebuilt scrap’ lang ang MT Princess Empress at hindi angkop gamitin sa pagbiyahe ng langis.
Gayunpaman, nanindigan si Fabia na ‘bago’ ang lumubog na barko.
“Based on our records, this is a new construction. We have conducted an investigation and we will submit that to the NBI (National Bureau of Investigation),” ayon pa sa opisyal ng Marina.