NAGKAKAISANG isinusulong ng Tingog Partylist, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Development Bank of the Philippines (DBP) ang mga programang naglalayong tugunan ang kakulangan sa healthcare infrastructure sa mga liblib na lugar.
Sa seremonyang ginanap sa DBP Amphitheater at dinaluhan ng mga prominenteng opisyal, lumagda si House Speaker Martin Romualdez sa isang Memorandum of Agreement (MOA) para sabayang pagkilos para sa implementasyon ng “Maalagang Republika: Rural Financing Health Development Program”
Sa ilalim ng programa, ang iba’t-ibang local government units (LGUs) ay maaaring mangutang sa DBP para tustusan ang pagpapatayo o pagpapalawak ng healthcare facilities at modernisasyon ng mga pasilidad pangkalusugan.
PhilHealth naman ang magbibigay ng operational support sa ilalim ng National Health Insurance Program, habang ang Tingog Partylist naman ang makikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.
Target ng Maalagang Republika Program paabutin ang serbisyong pangkalusugan sa mga liblib na pamayanan, alinsunod sa Universal Health Care Act.
Dumalo sa naturang pagtitipon sina Michael De Jesus, President at CEO ng DBP; George Inocencio, Executive Vice President ng Development and Resiliency Sector ng DBP; Emmanuel Ledesma Jr., President at CEO ng PhilHealth; at Renato Limsico Jr., Senior Vice President ng Fund Management Sector ng PhilHealth.
Kasama naman ni Romualdez sa pagtitipon sina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., House Secretary General Reginald Velasco, at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre.
Iginiit ni Romualdez ang potensyal ng programa at serbisyong pangkalusugan lalo na sa mga lugar na malayo sa sentro ng probinsya, kasabay ng giit sa kahalagahan na mabigyan ng nararapat na serbisyong pangkalusugan ang bawat Pilipino.
