Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
ASAHAN ang mas maraming trabaho, kalidad na edukasyon at mas mabisang healthcare program ng pamahalaan sa sandaling tuluyang maging batas ang panukalang 2025 national budget, ayon kay House Speaker Martin Romualdez.
Sa isang kalatas, nanindigan si Romualdez na higit na angkop pagtuunan ng pamahalaan sa susunod na taong ang kabuhayan ng mga mamamayang Pilipino.
Bukod aniya sa mas maraming trabaho, marapat lang din aniyang tiyakin ng pamahalaan ang pagkakaloob ng de-kalidad na edukasyon at serbisyong pangkalusugan.
Ang pahayag ay ginawa ng lider ng 300-plus strong House of Representatives sa pormal na pagsusumite ng Malakanyang ng P6.353 trillion na 2025 General Appropriations Bill (GAB).
“Ang badyet na P6.352 trilyon ay sumasalamin sa ating pangarap na mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino,” pambungad na pahayag ni Romualdez.
“Sa 2025 national budget na ito, inaasahan namin na ibubuhos natin ang pondo para makalikha ng mas maraming trabaho, masiguro ang de-kalidad na edukasyon para sa mga estudyante, at mapalawak ang suporta sa Universal Health Care,” dagdag pa niya.
Ayon sa lider ng Kamara – “Malinaw ang misyon natin: Ang mabigyan ng trabaho, edukasyon, at alagang pangkalusugan ang bawat pamilyang Pilipino.”
Sinabi rin ng Leyte lawmaker na titiyakin ng Kamara na may sapat na pondong ilalaan para matulungan ang mga mahihirap na pamilya.
“Para sa amin dito sa House of Representatives, malakas din ang panawagan na madagdagan ang pondo para sa 4Ps ng DSWD at iba pang programang laan sa mga mahihirap nating kababayan,” paglalahad ni Romualdez.
“Dapat na bigyan din ng sapat na tulong-pinansyal ang mga Pilipinong minimum wage earners sa ilalim ng AKAP (Ayuda Para sa Kapos ang Kita) program, lalo na sa panahon ng krisis na dala ng mga digmaan sa ibang bansa,” dugtong niya.
Tiniyak ni Speaker Romualdez na masusing susuriin ng Kamara ang panukalang badyet upang matiyak na magagamit nang tama ang buwis ng mamamayan.
“As we receive this document today, we recognize the collective responsibility bestowed upon us as legislators to scrutinize, deliberate, and ensure that every peso is judiciously allocated and spent,” aniya pa.
Patuloy din aniyang babantayan ng Kamara ang paggastos ng mga pondo at matiyak na ang bawat pisong buwis ay maibabalik din sa mamamayan sa pamamagitan ng mga programa at proyekto.
Samantala, pinasalamatan ni Speaker Romualdez sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Budget SecretaryAmenah Pangandaman sa pagsisikap at dedikasyon sa pagbuo ng isang badyet na naglalayong tugunan ang agarang pangangailangan ng ating mga mamamayan habang inihahanda ang pundasyon para sa pangmatagalang kaunlaran.
Isinumite ng Pangulo ang kanyang panukalang badyet para sa 2025, isang linggo pagkatapos ng pagbubukas ng ikatlo at huling sesyon ng Kongreso, mas maaga ng tatlong linggo sa itinakdang deadline ng Konstitusyon.
Nais ng Kamara na tapusin ang mga deliberasyon sa panukalang badyet bago ang unang bakasyon ng Kongreso sa Oktubre.
