Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PINANGUNAHAN ni Speaker Martin Romualdez ang Kamara sa pormal na pagtanggap ng 2025 National Expenditure Program (NEP) na may kabuuang halaga na P6.352 trilyon kanina.
Sa pamamagitan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, isinumite ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang budget na para sa susunod na taon.
Ayon kay House Appropriations Committee Chairman Rep. Zaldy Co, na kasama ni Speaker Romualdez sa pagtanggap sa NEP, ang proposed 2025 national budget ay hindi lamang isang plano ng panggastos kundi isang gabay upang maabot ang Philippine Development Plan 2023-2028
“This proposed budget represents a 10.1 percent increase from the previous year and accounts for 22.0 percent of our Gross Domestic Product. It is a testament to our collective resolve to foster economic growth, social progress, and resilience among our people,” wika ng House panel head.
Ani Co, ang 2025 NEP ay nakatuon sa pagpapabuti ng kapakanan ng mga indibidwal at pamilya, pagpapaganda sa sektor ng produksyon para makalikha ng dekalidad na trabaho at paglinang sa isang kapaligiran na may sumusuporta sa mga institusyon at kalikasan.
Sa pagbusisi sa panukalang budget, sinabi ni Co na isasaalang-alang ng Kongreso ang pagkukunan ng pondo, kahandaan na maipatupad ang mga programa at proyekto, kapasidad ng mga ahensya na gastusin ang nakalaang pondo, at ang pagsunod sa spending priorities.
“We must ensure that every peso is directed towards initiatives that will uplift the lives of our fellow Filipinos, improve our infrastructure, strengthen our educational and healthcare systems, and secure our nation’s future,” giit pa niya.
Nanawagan naman si Co sa kanyang mga kasamahan na tiyakin ang transparency, accountability at fiscal responsibility sa kabuuan ng pagtalakay sa pambansang pondo.
“It’s crucial that we examine each allocation meticulously to ensure the most effective use of our resources,” pagwawakas ng Ako Bicol lawmaker.
