
HIGIT na angkop magsiguro ang gobyerno kesa magsisi bandang dulo. Ito ang buod ng mensahe ng isang kongresista kaugnay ng umano’y matataas na posisyon na hawak ng mga Chinese nationals sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Paalala ni Batangas 2nd District Gerville Luistro, hindi limitado sa West Philippine Sea ang interes ng China.
Ayon kay Luistro, ang paghawak ng sensitibong posisyon ng mga Chinese nationals sa NGCP ay posibleng indikasyon ng isang banta sa seguridad ng bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises noong nakaraang Huwebes, tinanong ni Luistro ang pagdepende ng NGCP sa Chinese technology, kasabay ng panawagan ng agarang aksyon upang matiyak na nabibigyan ng angkop na proteksyon ang mahahalagang imprastraktura ng bansa.
“The apprehensions we are facing right now about having our national grid possibly controlled by a foreign national is right before our eyes. While it is just an apprehension, this is a question that needs to be answered with absolute certainty,” ani Luistro.
Ang NGCP ay gumagamit ng teknolohiya ng NARI Group Corporation, isang kumpanyang pag-aari ng gobyerno ng China na may gawa ng hardware at software na nagpapatakbo sa SCADA system ng power grid.
Ang SCADA ay nagsisilbing nervous system ng electricity network ng Pilipinas, na kumokontrol mula sa mga planta ng kuryente hanggang sa mga transmission lines.
Ang NARI o Nanjing Automation Research Institute, isang supplier ng military-grade technology na may kakayahan ma-access ang system kahit nasa malayong lugar.
Iniugnay ni Luistro ang mga posibleng panganib sa seguridad dulot ng foreign control sa agresyon ng China sa West Philippine Sea, kung saan patuloy na nakakaranas ng panggigipit ang mga lokal na mangingisda at mga barko ng Pilipinas mula sa Chinese forces.
“With our present situation in the West Philippine Sea, Mr. Chair, I hope the Filipino people are walking with me right now,” saad ni Luistro, sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Parañaque City 2nd District Rep. Gus Tambunting.
Dagdag pa ng mambabatas, “Exclusive economic zone, which is exclusive for Filipino citizens as confirmed by UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea) as confirmed by the international arbitration. And yet we continue to be harassed, threatened, and even injured by foreign nationals right in our sovereign land.”
Tanong ni Luisto kung tama bang ipagkatiwala ang power grid ng bansa sa mga banyagang kumpanya na may ganitong uri ng record.
“Will you have the peace of mind na ipagkatiwala ang kaisa-isa mong national grid sa kaaway mo sa West Philippine Sea? Will you have the peace of mind that the national grid relies on these Chinese citizens who are maligning, harassing, and threatening our fellow Filipinos?” saad ng kinatawan ng Batangas.
“Will you have the peace of mind that no Filipinos understand this technology and only Chinese engineers do? Will you have the peace of mind that the technology can be controlled by somebody in Nanjing, leaving all of us helpless?,” aniya pa.
Iginiit pa ng lady solon ang mga panganib ng remote manipulation ng power grid, na ayon na rin kay dating National Transmission Corporation (TransCo) president Melvin Matibag ay dalawang beses na nangyari.
Una na ring sinabi ni Matibag sa franchise committee na ilang beses nang nag-ayos ang NARI sa SCADA system ng malayuan mula sa China.
Higit pang nagpatindi sa pangamba ni Luistro ang ginawang pag-amin ng mga opisyal ng NGCP, kabilang na ang sinabi ni Chief Administrative Officer Paul Sagayo at Spokesperson Cynthia Alabanza, na ang NARI ang patuloy na nagsasagawa ng maintenance services.
“All aspects of Filipinos’ lives rely on electricity—manufacturing, transportation, communication, you name it,” giit ni Luistro. “What will happen to us if indeed this technology is under Chinese control, and they decide to sabotage our country?”
Binanggit din niya ang nakakatakot na posibilidad ng isang planadong pag-shut down, na binanggit ang mga cyberattack sa mga power grid sa ibang bansa.
“I can be wrong. We can be wrong. But the question is, what if this apprehension is correct?” pangamba pa nito.
Pinuna rin ni Luistro ang kabiguan ng mga regulatory agencies na magsagawa ng masusing audit sa operasyon ng NGCP, at binanggit ang mga direktibang ibinigay ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na hindi naipatupad.
“Since 2009, followed by 2010, and then 2016, and then 2017, there was never a system audit,” saad pa ni Luistro.
“The 2020 system audit that was shared to us by Atty. Dimalanta, for her own admission, did not rule out the apprehension that this system of NGCP cannot be controlled remotely,” dagdag pa niya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)