HINDI katanggap-tanggap ang ipinataw na umento ng Social Security System (SSS) sa buwanang butaw ng mga miyembro sa naturang ahensya, ayon kay House Assistant Minority Leader Rep. Arlene Brosas ng Gabriela partylist group.
Paglalarawan ng militanteng kongresista, isang malupit na “new year’s gift” ang 15% contribution rate increase na pahirap sa uring manggagawa.
“This is the government’s buena mano for 2025 – another round of burden for our workers. Sa halip na dagdag sahod, dagdag kaltas ang ibinigay sa mga manggagawa,” patutsada ni Brosas.
Hindi rin aniya napapanahon ang dagdag-pasakit ng SSS sa gitna ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin o araw-araw na gastusin.
Tahasang kinondena ni Brosas ang naturang contribution hike na ang maapektuhan aniya ay ang hanay ng private sector employees, household employers at domestic workers, gayundin ang self-employed individuals, voluntary members, at land-based OFWs.
“Bakit ba ipinipilit ng gobyerno na kumayod nang kumayod ang mga manggagawa para sa SSS contribution increase habang hindi naman sinisigurado ang maayos na benepisyo at serbisyo? This is essentially squeezing dry our already overburdened workers,” dugtong ng mambabatas na kabilang sa tinaguriang Makabayan bloc sa Kamara.
Apela ni Brosas sa SSS, ipagpaliban ang contribution increase kasabay ng panawagan sa pamahalaan na mas pagtuunan ng pansin ang pagkakaloob ng sapat na sweldo o pagdaragdag sa arawan sahod gayundin ang ibayong pagbibigay ng social services sa mga manggagawa.
“Instead of implementing anti-poor policies, the Marcos Jr. administration should prioritize giving immediate economic relief to workers through wage increases and comprehensive social protection. Hindi dapat gawing New Year’s resolution ang pagpapahirap sa mga Pilipino.” (Romeo Allan Butuyan II)
