
MULING umapela sa Department of National Defense (DND) ang isang ranking House leader na ikonsidera ang pagtatayo ng isang naval facility sa Surigao del Norte para mabigyan ng angkop ng proteksyon ang eastern seaboard ng bansa mula sa smugglers at foreign intruders.
Sa isang kalatas, partikular na isinusulong ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman Rep. Robert Ace Barbers na mapasama ang Surigao del Norte sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Hirit ni Barbers sa DND, masusing pag-aralan ang planong pagtatayo ng naval facility sa loob ng 3,000-ektaryang Phividec Industrial Authority (PIA) business complex sa Misamis Oriental.
Paliwanag ng kongresista, hindi angkop na pagsamahin sa loob ng Philvidec ang base militar at ang nasa 200 business locators na bahagi ng PEZA-registered economic zone.
“While I do not question the logic and wisdom behind the plan to put up an EDCA naval site inside the Phividec facility, I think it would be prudent for us not to inter-mix the business complex with a military complex,” ang punto ni Barbers.
Maging si PIA administrator Donato Bernedo ay nagsabing bagama’t inaasam nila ang pagpapalakas sa defense capability ng bansa, dapat ay maging angkop ang ilalagay na military facility sa pangangailangan ng mga business locator sa kanilang industrial estate.
Nabatid na kamakailan ay lumagda ang PIA sa isang 25-year extension agreement para sa operasyon ng Mindanao International Container Terminal Services Inc. (MIC.TSI) sa Mindanao Container Terminal, main international trading platform ng rehiyon.
Sinabi ni Barbers na siya at ang kapatid na si Surigao del Norte Gov. Lyndon Barbers ay matagal nang inaalok ang kanilang probinsya para maging EDCA naval site lalo’t dapat mabantayan ang eastern seaboard ng bansa mula sa mga dayuhang nagkakainteres sa sa nadiskubreng deuterium at iba pang mineral doon.
“With the growing global race to find renewal sources of fuel or energy like deuterium, which reportedly is found abundant in the deep seas in the country’s eastern seaboard, it is not far-fetched that China also wanted to get a hand on it,” dagdag pa solon.— Romeo Allan Butuyan II