Ni Estong Reyes
HINILING ni Senador Nancy Binay kay Health Secretary Teodoro “Ted” Herbosa na bigyan ng prayoridad ang pagbibigay ng trabaho sa unemployed nurse kaysa unahin na kalapin ang bagong graduates upang punan ang kakapusan sa health sektor.
Isinagawa ni Binay ang suhestiyon matapos banggitin ni Herbosa na plano ng pamahalaan na payagan ang non-board passer na nars na magtrabaho ang government hospital upang tugunan ang kakapusan nito sa Pilipinas.
Ayon kay Binay, dapat makipag-usap muna ang DOH sa mambabatas upang makatulong ang Kongreso sa paglikha ng batas na magpapataas sa kasalukuyang kalagayan ng nurse sa bansa.
“Ang pinaka-praktikal ay i-prioritize nating i-hire ang mga unemployed nurses; provide a certain level of care, respect, and compassion to our overworked nurses currently serving our public hospitals,” ayon kay Binay.
“(We should also) review, amend and offer better paying contracts to our nurses; provide better benefits, and rationalize their work loads,” dagdag niya.
“Sila ang backbone ng healthcare system, and it is only fair to protect our essential workforce and reasonably compensate them,” giit pa ni Binay.
Aniya, mas magiging praktikal sa gobyerno na gamitin ang badyet nito sa pagpapasahod ng non-board passers para sa nars na walang trabaho ngayon.
“At kung seryoso ang DOH na ayusin ang buong sistema, punan ang gap, at gawing competitive ang sahod ng ating healthcare workers, we, in the Senate, are willing to provide the necessary tools and budget to improve the state of our public health,” giit ng mambabatas.
Sinabi pa ng mambabatas na tulad noong panahon ng pandemya, kinalap ng pamahalaan ang fresh nursing graduates at sinumang nakatapos ng board examination upang punan ang kakapusan ng nars sa public hospital sanhi ng lumulobong bilang ng may sakit ng COVID-19.
Ginawa ito ng pamahalaan upang tulungan ang medical frontliner na walang tulog at masyadong pagod sa pagseserbisyo at makapagpahinga.
“Bago mag-tap ang DOH ng unlicensed or board-eligible nurses as a temporary solution to address the shortage, dapat muna may masusing pag-aaral. Kailangan pakinggan muna natin ang kanilang sektor,” aniya.
“Magkaroon muna ng mas malalim at malawak na konsultasyon, kasama na ang allied sectors in the medical field,” dagdag ni Binay.
“Pero sana makita muna nating ilatag ng DOH ang malinaw at kongkretong programa sa mga ospital,” ani Binay.