MATAPOS sumingaw ang kahalayang naganap sa libreng pa-outing ng isang kandidato sa posisyon ng Sangguniang Kabataan chairman, nagpatawag ng pulong-balitaan ang mga pinaratangan ng kamanyakan.
Susmaryosep! Sa halip na magtungo sa tanggapan ng tagausig para maghain ng kani-kanilang panig, sa presscon bumida ang mga akusadong sina Eugene France Pico at Ezrael Aguirre na kapwa kandidato bilang SK councilor sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City.
Sina Pico, Aguirre at tatlong iba pa ang pinaratangan ng panghahalay sa 19-anyos na si Brian Dave dela Victoria na kasamang dumalo sa libreng outing ng isang Judielyn Francisco sa Paradise Adventure Camp sa San Jose del Monte, Bulacan noong ika-16 ng Setyembre ng kasalukuiyang taon.
Kapansin-pansin ang daloy ng programang wari ko’y halaw sa isang dula – kung hindi man teleserye sa telebisyon. Ang mga akusado, kanya-kanyang depensa sa sarili gamit ang katagang rape na sa kanila ay ipinupukol ng nagdemandang biktima.
Tulad ng isang programa sa telebisyon, hindi rin nakalusot sa mapanuring mata ng publiko ang animo’y commercial break kung saan nakuha pa nilang i-promote ang lugar ng pinangyarihan – ang Paradise Adventure Camp.
Sa haba ng litanya, iisa lang ang malinaw na mensahe ng mga akusadong pawang aminadong bakla – walang rape na nangyari sa Paradise Adventure Camp.
Pero teka, bakit kaya hindi nila itinanggi ang kasong Acts of Lasciviousness na isinusulong ng piskalya?
Hindi naman natin kailangan maging abogado para unawain ang mga binitawang salita ng mga akusadong tumatakbo rin pala para sa posisyon ng SK Kagawad ng Barangay San Bartolome. Itinanggi ang alegasyong rape, pero hindi ang Acts of Lasciviousness.
Sinagot na ba nina Pico, Aguirre at tatlong iba pa ang isinampang kaso? Parang hindi pa – kasi kung una nilang inasikaso ang aspetong legal, eh di sana may dokumento silang ipinamahagi sa mga dumalong peryodista.
Lumalabas tuloy na litanya para makakuha ng simpatya – kung hindi man mas malaking entablado sa pangangampanya (sa tulong ni incumbent chairman Lamberto Pascual ng Barangay San Bartolome) ang kanilang paglutang sa naturang pulong-balitaan.
Payo ng isang nakatatanda – sa husgado ang depensa, hindi sa panaderya. Wala pang akusadong naabswelto sa presscon.