DESIDIDO ang Land Transportation Office (LTO) na palawigin pa ang validity ng driver’s license sakaling di pa rin alisin ng Quezon City Regional Trial Court ang Temporary Restraining Order (TRO) laban sa kontratistang nanalo sa bidding para sa paggawa at supply ng mga plastic card.
Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, hindi pa binabawi ng QC RTC Branch 215 ang TRO na nag-uutos sa ahensya ipagpaliban ang pagpapatupad ng kontrata sa Banner PlastiCard bunsod ng alegasyon ng natalong bidder na AllCard Inc.
Umaasa si Mendoza na sa gagawing pagdinig sa Miyerkules (September 6), tuluyang babawiin ng husgado ang inilabas na TRO – hudyat para paliwigin ng naturang ahensya ang bisa ng mga pasong lisensya.
Buwan ng Hunyo nang igawad ng Department of Transportation (DOTr) ang kontrata para sa mga plastic cards sa Banner Plastic Card Inc. na nagpasok ng P219-milyon bid offer (VAT inclusive) – mas mataas sa kumpara sa P177-milyong alok ng katunggaling AllCard Inc.
Target ng LTO makapaglabas ng 5.2 milyong plastic driver’s license cards sa hangaring punan ang backlog ng ahensya.
Bagamat mas mababa ang alok ng AllCard, nadiskwalipika ang naturang kumpanya bunsod ng naantalang proyekto sa isa pang proyektong nasungkit sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at iba pang ahensya ng gobyerno.
Sagot ng korte: “Deficiencies cited in the correspondences made by the concerned government agencies were merely taken at face value and never verified.”
Nabigo din ayon sa RTC ang LTO na ipabatid sa AllCard ang konteksto ng umano’y pagkaantala sa kontrata nito sa BSP, dahilan para di na bigyan ng pagkakataon ang AllCard na maghain ng protesta.
Dagdag pa rito, tinanggihan ng LTO ang kahilingan ng petitioner na maghain ng motion for reconsideration matapos ma-disqualify, bago pa man matapos ang pitong araw na palugit batay sa umiiral na reglamento sa mga transaksyon sa pamahalaan.