GANAP nang sumipa ang pag-iimbestiga sa sandamakmak na reklamo ng mga konsyumer laban sa Prime Water na pag-aari ng pamilya ni Rep. Camille Villar na kabilang sa mga pambato ng administrasyon sa posisyon ng senador.
Sa regular press briefing, nilinaw ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na walang kinalaman ang politika sa imbestigasyon ng Local Water Utilities Administration (LWUA).
Una nang inulan ng batikos ang mga Villar na umano’y “namamangka sa dalawang ilog.”
Aniya, dumulog sa pamahalaan ang mga lokal na opisyal ng Bulacan bunsod ng umano’y mataas na singil ng kumpanyang pag-aari ng mga Villar sa kabila pa ng palpak na serbisyo.
“Nag-start na ngayong araw na ito ang LWUA. So, malaliman na pag-iimbestiga ito, kung ano mang ang mangyayari dito, saka na lamang namin kayo bibigyan ng update,” ani Castro.
Hindi man hayagan, nagpasaring ang Palace official sa mga Villar na sentro ng reklamo ng sandamakmak na konsyumer.
“Unang-una, ang umiiyak ay ang Bulacan, Cavite, Laguna, Bohol, Pangasinan at marami pang iba.”
