Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BINULABOG ng mga sumbong ang tanggapan ng isang lider-kongresista kaugnay ng modus ng mga nagpapanggap na legislative staff sa Kamara de Representantes.
Sa isang pahayag, nagbabala si Deputy Speaker at Las Piñas City Rep. Camille Villar sa publiko na maging mapanuri sa mga nagpapakilalang legislative staff ng kanyang tanggapan sa Kongreso.
Ayon kay Villar, nakarating na rin sa kanya ang impormasyon na ginagamit ng ilang indibidwal ang kanyang pangalan sa layuning manloko at manlamang sa kapwa.
“It has come to my attention that several persons or entities have been unscrupulously using my name and pretending to be my representatives to defraud unwitting victims,” pahayag ng ranking House official.
“They are claiming that I am offering business opportunities or investments. Please be aware that these claims are false and are intended to scam the public,” wika ni Villar.
Panawagan ng lady solon, agad na ipagbigay-alam agad sa mga awtoridad ang kahina-hinalang tawag o mensahe mula sa mga inaakalang impostor na kawani ng Kongreso.
Paliwanag ni Villar, anumang lehitimong business opportunities o announcements mula sa kanya o kanyang tanggapan ay makikitang naka-post sa kanyang official social media account.
