Ni EDWIN MORENO
SA hangaring tiyakin ang kaayusan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, ikinasa ng Philippine National Police ang gun ban sa mismong araw ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand marcos Jr. sa Hulyo 22.
Paalala ng PNP sa lahat ng gun owners, suspendido lahat ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) sa araw ng SONA, mula alas-12:01 ng umaga hanggang alas-11:59 ng gabi.
“This suspension is a precautionary measure to ensure public safety and security during the event,” saad sa abiso ng PNP.
Nauna nang sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na pangunahing nakatutok ang seguridad sa paligid ng Batasang Pambansa Complex sa Quezon City dahil responsibilidad naman ng House Office of the Sergeant-at-Arms at Presidential Security Group sa loob ng Kamara de Representantes.
Nasa 22,000 pulis ang magbabantay sa SONA kung saan 6,000 sa kanila ang itinalaga malapit sa Batasang Pambansa Complex.
