PARA kay Senador Mark Villar, napapanahon nang repasuhin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga umiiral nitong polisiya sa pagtugon sa mga miyembrong may karamdaman.
Partikular na tinukoy ni Villar ang 24-hour confinement requirement, kasunod ng reklamo ng isang biyudang pinagkaitan ng benepisyo.
“May Universal Health Care Law na tayo. Ang direksyon ng ating healthcare system dapat nakatuon sa mas malawak na access at mas mabilis na serbisyo, hindi sa mga patakarang nagdudulot ng kalituhan at pangamba sa mga miyembro,” wika ni Villar.
“Walang pamilyang dapat mawalan ng benepisyong matagal nilang pinaghirapan dahil lamang sa teknikalidad,” dugtong ng mambabatas.
Iminungkahi rin ng senador na magsagawa ang PhilHealth ng komprehensibong pagrepaso sa “claims processing system,” kabilang ang pagsusuri sa 24-hour confinement policy, kasabay ng giit na palakasin ang mga programa para sa impormasyon at edukasyon ng publiko upang matiyak na malinaw sa mga miyembro ang kanilang mga benepisyo at karapatan.
Ayon kay Villar, higit na angkop magpatupad ng reporma para maiwasan ang hindi makatarungang “denial” ng claims dahil sa mga teknikalidad na wala naman aniya sa layunin ng Universal Health Care Law.
Aniya, dapat din higit na palawakin ng PhilHealth ang kalidad at saklaw ng serbisyo upang ganap na maipatupad ang isang episyente, malinaw, at makataong sistemang pangkalusugan.
“Bawat kontribusyong ibinabayad sa PhilHealth ay pinaghirapan ng ating mga kababayan. Nararapat lamang na magkaroon sila ng kumpiyansa na may institusyong handang umalalay sa kanila sa oras ng pangangailangang medikal. Ang layunin ng PhilHealth ay protektahan ang mga Pilipino, at ito ay dapat na nasasalamin hindi lamang sa mga polisiya kundi sa aktwal na karanasan ng bawat miyembro,” pagtatapos ni Villar.
