IBINUNYAG ng nagpakilalang dating hitman ng Davao Death Squad (DDS) na si Arturo Lascañas na sangkot si Vice President Sara Duterte sa tokhang killing ng vigilante group sa Davao City noong siya ang mayor ng siyudad.
Si Lascañas, retiradong pulis, ay nagsabi na si Duterte ang utak ng Oplan Tokhang, na ipinatutupad ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa noong siya ay police chief ng Davao City.
“Sila ni Bato, nag-craft sila ng bagong EJK (extrajudicial killing) campaign, which is Toktok-Hangyo,” sabi ni Lascañas sa online press briefing.
“Siya nga ang pasimuno nitong Oplan Tokhang noong nakaupo syang mayor,” ayon kay Lascañas.
Nang tanungin kung alam ni VP Duterte ang mga extrajudicial killings bilang bahagi g kampanya, sinabi ni Lascañas na ang masasabi lamang niya ay si VP Duterte ang nasa likod ng Tokhang.
“Si Sara ang nag-craft nung Tokhang. Hindi raw nya alam ano ang ginagawa dyan sa bogus drug war. Nag-imbento s’ya ng bagong trademark, ang Tokhang, pinayagan nya si Bato na impose sa Davao,” ayon pa kay Lascañas.
Nauna nang itinanggi ni Duterte na sangkot siya sa anumang aktibidad sa sa “Davao Death Squad”, na pumatay sa mga indibidwal na hinihinalang sangkot sa krimen at droga.
“Sa mga taon na nagsilbi ako bilang Vice Mayor at Mayor ng Davao City, ni minsan ay hindi napag-usapan o naiugnay ang aking pangalan sa umano’y Davao Death Squad. Subalit, matapos akong manalo bilang Vice President, bigla na lang nagkaroon ng testigo laban sa akin at ngayon ay kasama na ako sa mga akusado sa International Criminal Court,” sabi ni Duterte sa kalatas ngayong buwan.
