MALINAW na hindi alam ni Vice President Sara Duterte ang lahat ng lumalabas sa kanyang bunganga sa hangaring magpabibo sa publiko.
Ito ang buod ng mensahe ni House Deputy Speaker at Antipolo 1st Dist. Rep. Ronaldo Puno kaugnay ng paratang ni Duterte na nagsabing “binibiyak” ng mga kongresista ng Kamara ng pondong nakalaan para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan.
“Wala naman kapasidad din ang congressman mag-initiate, except kapag kinonsulta sila ng DepEd,” wika ni Puno.
“Malinaw ang procedure sa classrooms. Kailangan nandiyan ka sa listahan ng DepEd. Kailangan na-identify ka sa place that really needs classrooms more than the other places,” dugtong ng ranking House official.
“Tapos na-identify na yon, pupunta sa DPWH, siya ang magko-construct,” paliwanag pa ni Puno, na tumatayong chairman ng National Unity Party (NUP), nang hingian ng reaksyon sa panibagong banat ng bise-presidente.
Ayon sa Antipolo City lawmaker, maraming pinagtutuunan ng pansin ang Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang ang pagtutok sa mga kalsada, tulay at iba pang imprastraktura. Hindi rin aniya ganoong kasimple ang proseso sa classroom o school building projects.
“Maraming priorities sa DPWH. Gumagawa rin ‘yan ng tulay, gumagawa rin ‘yan ng kalye, gumagawa na ko anu-ano. So ‘pag pumasok ang classroom, kung minsan, hindi na bibigyan ng priority, kaya medyo mas tumatagal. So kailangan magbantayan ‘yan, lahat ng salapi ng bayan dapat bantayan,” dagdag ni Puno.
Giit ng kongresista, dala na rin ng proseso sa paglalaan ng pondo, hindi makatotohanan ang nasabing bintang dahil ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ang siyang nagsusumite ng budget proposals sa Department of Budget and Management (DBM) at magiging bahagi ng National Expenditure Program (NEP).
“Yung National Expenditure Program na sinusumite ng bawat ahensya, the only national expenditure program na may initiative power or ability yung congressman is DPWH. Ang rason dyan is kasi doon sa NEP na binibigay ng DPWH sa DBM meron portion doon that are for local infrastructure projects,” paliwanag ng mambabatas.
Inihalimbawa ni Puno ang long-term plan ng DepEd na magkapagpagawa ng 40,000 classrooms sa buong bansa kung saan prayoridad umano ang mga lugar na matinding sinalanta ng mga kalamidad.
“Papano nila (DeEd) pupunan ‘yung 40,000 classrooms na ‘yun? Gagawa sila ng plan nationwide base sa kung sinong priority, sinong mas nangailangan. Tapos doon nila ilalagay ‘yung kanilang mga proposal for the NEP 2026.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
