PARA sa isang kawani ng gobyerno na sumasahod lang ng P50,000 kada buwan, lubhang imposible ang magpatalo ng P300 milyon sa casino.
Pero para kay Senador Panfilo Lacson, hindi kwentong kutsero ang nadiskubreng pagiging sugarol ng dalawang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Lacson, hindi bababa sa tig-P300 milyon ang natalo sa casino ng dalawang DPWH officials.
Sa binigkas ng privilege speech, partikular na tinukoy ni Lacson ang isa sa mga dahilan kung bakit may mga substandard at ghost flood control projects. Isa umano sa dahilan ay ang sistematikong katiwalian ng mga nasa naturang departamento.
Katunayan aniya, kinukumpleto na lamang ng kanyang tanggapan ang ebidensya bago pa man pangalanan ang mga tinawag niyang “lulong sa casino.”
“The two of them, as per my information, used aliases. They hid their true identities, and used fictitious names,” wika ng senador.
Hindi pinangalanan ng mambabatas ang mga DPWH officials na umano’y daang-milyong kung magpatalo sa casino. Gayunpaman, nagbigay ng patikim ang senador sa katayuan ng mga tinutukoy na tao — “Isa sa kanilang dalawa district engineer.”
“So you can just imagine the enormity of the corruption that is going on. This is only in Bulacan,” dagdag pa niya.
Ayon kay Lacson, hawak niya ang mga alyas na ginamit ng mga opisyal kaya’t mas madali para sa mga awtoridad na matukoy sila o makuha ang rekord ng kanilang panalo at pagkatalo sa casino.
Pag-amin ni Lacson, ipinagbigay-alam na rin niya sa bagong talagang DPWH Secretary Vince Dizon ang nakalap na impormasyon.
Batay sa impormasyong kanyang natanggap, nasa Salary Grade 19 lang ang antas ng sahod ng sugarol na DPWH official.
Sa ilalim ng umiiral na panuntunan sa hanay ng mga nagtatrabaho sa pamahalaan, mahigpit na ipinagbabawal ang lahat ng opisyales o kahit kawani lang ng gobyerno tumuntong — higit lalo’t magsugal sa loob ng casino. (ESTONG REYES)
