WALA sa talaan ng mga prayoridad ng bagong hirang na Philippine National Police (PNP) chief ang balasahan sa hanay ng kapulisan.
Pagtitiyak ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., mananatili muna sa kani-kanilang mga puwesto ang mga matataas na opisyal ng PNP kabilang ang mga miyembro ng Command Group.
Katunayan aniya, hindi pa sumagi sa kanyang isip ang rigodon.
Sa kanyang kauna-unahang pulong-balitaan, inamin ni Acorda na pinulong na niya ang pamunuan ng iba’t ibang sangay — hindi para sa balasahan kundi para ilatag ang panuntunan at ipaalala ang responsibilidad ng kapulisan sa publiko.
Kung magkaroon man aniya ng paglilipat ng puwesto, tiniyak ng heneral na gagamiting batayan ang umiiral na patakaran at polisiya ng organisasyon.
Aniya pa, maging sa promotion sa rangga, idadaan sa merito at kakayahan ng mga napipisil sa pwesto.
“For the new movement I made that as part of my announcement also in this conference that everything will be done based on the policies and guidelines, based on merit, ability, capability and of course moral ascendancy ng ating mga officers and this will be the set of qualifications na isi-set ng SOPPB (Senior Officers, Promotions and Placement Board) natin,” paliwanag ni Acorda.
“And this SOPPB will be empowered to make sure that no policies are violated and also the candidates are scrutinized but when it comes to revamps wala pa tayong iniisip na revamp,” diin pa ng heneral.
Muli ring iginiit ni Acorda na magiging agresibo ang m kampanya ng PNP laban sa kriminalidad.