(Larawan ni Cesar Morales)
POBRE man o nakakaluwag sa buhay, higit na angkop kilalanin ng pamahalaan ang kontribusyon ng mga nakatatanda sa ekonomiya ng bansa, ayon kay Senador Mark Villar kasabay ng panukalang amyenda sa Republic Act 7432 na mas kilala sa tawag na Senior Citizens Act.
Sa ilalim ng Senate Bill 95, target ni Villar palawigin ang benepisyo sa lahat ng Pilipino pagsapit ng edad 60-anyos.
Partikular na isinusulong ng senador ang mandatory social pension sa lahat ng senior citizens — kesehodang pobre o may kaya.
“Panahon na po para amyendahan ang ating batas para sa mga minamahal nating senior citizens. Hindi na po dapat ito naka-base sa kanilang social status or indigency. Naniniwala po ako na basta senior citizen ka, may pension ka dapat na natatanggap,” wika ni Villar.
Batay sa pag-aaral ng Economic Research Institute for ASEAN and East Asia (ERIA), kapansin-pansin ang mabilis na pag-inog ng tinatawag na “demography” ng bansa sa mga nakalipas na dekada.
Sa pagtataya ng ERIA, papalo sa 23.7 milyon ang bilang ng mga senior citizens sa bansa pagkalipas ng dalawang dekada — bagay na aniya’y dapat paghandaan ng pamahalaan.
“Dapat pagtuunan ng pansin ng ating gobyerno ang patuloy na paglaki ng aging population ng bansa. The bill that we filed will catch up with this demographic change by proposing an inclusive and universal approach to distributing pension,” Villar highlighted.
Sa ilalim ng panukala ni Villar, ang lahat ng Pinoy pagsapit ng ika-60 kaarawan ay tatanggap ng P500 buwanang pensyon — halagang madodoble naman pagkatapos ng limang taon.
“Gusto natin na lahat ng ating mga nakakatanda ay makatanggap ng kani-kanilang mga pension sila man ay indigent o hindi at mabigyan sila ng monthly stipend regardless of their other pension benefits. Ang standardized pension na ito ay magiging malaking tulong sa kanilang pang araw-araw na gastusin,” dugtong ng mambabatas.
“Hangad po natin na hindi lang ito basta natatapos ang pension sa minimum monthly stipend– dapat may patuloy po na pag-aaral sa kung ano ang pangangailangan at kalagayan ng ating mga minamahal na senior citizens,” pahabol ni Villar. (CESAR MORALES)
