SA hangaring paigtingin ang soberanya ng bansa sa nasasakupang karagatan, gumawa ng bagong mapa ng Pilipinas ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) kung saan kasama na ang West Philippine Sea.
Ayon kay Undersecretary Peter Tiangco na tumayaqtong administrador ng NAMRIA, handa na ang ahensya ilabas na bagong mapang sumasalamin sa lahat ng lugar na pasok sa teritoryo ng Pilipinas.
Paglilinaw ni Tiangco, pasok sa umiiral na international law ang bagong standard map ng Pilipinas. Hangad lamang aniya ng pamahalaan ituwid ang nine-dash line na ipinangangalandakan ng China sa karagatan na nasa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone ng bansa.
Aniya pa, Implementing Rules and Regulations na lang ang hinihintay ng NAMRIA bilang tugon sa paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act na nagsusulong ng proteksyon, soberanya at kapangyarihan ng bansa sa West Philippine Sea.
