
HINDI balakid ang pagiging pobre para makamit ang asam na katarungang karaniwang di mahagilap ng mga maralita dahil sa kawalan ng kakayahang kumuha at magbayad ng tagapagtanggol sa hukuman.
Ito ang mga katagang naging panuntunan ng yumaong Atty. Rene “Compañero” Cayetano bago pa man pumalaot sa pulitika – legasiyang target ipagpatuloy ng abogadong anak at ngayo’y Sen. Alan Peter Cayetano.
Sa programang Cayetano In Action (CIA) with Boy Abunda, inamin ng senador ang pagtahak sa landas at pagpapatuloy ng sinimulang adbokasiya ng yumaong ama, kasabay ng paanyaya sa mga inaapi, inaabuso at mga nadedehado sa kinakaharap na kaso na makipag-ugnayan sa kanyang programa para sa libreng “legal assistance.”
Kabilang sa talaan ng mga libreng serbisyo ni Cayetano ang payong legal, tagapamagitan at libreng abogado sakaling hindi mapag-aayos ang magkabilang kampo.
“Sa ating mga kababayan, lalo na yung mga may malaking problema sa kanilang buhay, whether financial or relational, huwag kayong magdalawang-isip na lumapit sa amin ni Ate Pia (Cayetano),” pahayag ni Cayetano.
Para sa senador, malaking biyaya ang maging tagapamagitan sa mga nag-aalitang panig dahil nakatutulong siya na magkaayos ang mga ito.
Dagdag niya, ang CIA with Boy Abunda ay ang pagpapatuloy ng sinimulang serbisyo publiko ng namayapang amang bumida sa sa programang “Compañero y Compañera” (sa radyo at telebisyon) mula 1997 hanggang 2001.
“My dad’s purpose, aside from serving the Lord, was to practice the law. Na-realize niya na kaya niya pinag-aralan ang batas ay dahil sa mabuting magagawa niya dito sa Senado at sa batas – and I can relate to him,” aniya.
Bukod Abunda na kinikilalang King of Talk Shows, kasama rin ni Cayetano ang kapwa mambabatas at kapatid na si Sen. Pia Cayetano sa programang napapanood sa GMA 7 tuwing araw ng Linggo, 11:30 pm – at may replay tuwing Sabado, 10:30 pm sa GTV.
Nagsimulang ipalabas ang programa noong Pebrero 5, 2023, kung saan ang magkapatid na senador – na kapwa abogado – ay tumulong resolbahin ang away sa pagitan ng isang ginang at kanyang pamangkin na di umano’y nakipagrelasyon at tumatanggap ng pera mula sa asawa ng una.
Pinaliwanagan din ng magkapatid na Cayetano ang isa pang ginang na inirereklamo ang asawang imbes na ibigay ang sustento sa kanilang pamilya ay inuuna raw ang pinansyal na pangangailangan ng kapatid na nagda-dialysis.
“First and foremost allow me to thank ang ating Panginoong Diyos sa birth ng CIA with BA,” pahayag ni Senator Alan.
Pinasalamatan din niya ang mga nanood sa pilot episode ng nasabing programa pati na ang team na bumubuo nito.
“Samahan niyo po kaming alamin ang iba’t ibang buhay ng ating mga kababayan hindi para sa entertainment lang kundi para makapulot ng aral tungkol sa batas, pamilya, at pagmamahal sa kapwa,” wika ni Cayetano. (ESTONG REYES)