
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HAYAGANG tinabla ni House Speaker Martin Romualdez ang panawagan “zero-budget” ng mga kapwa niya kongresista para sa Office of the Vice President (OVP) sa susunod na taon.
“Bilang Speaker, nauunawaan ko ang mga sentimyento ng ilang kasamahan ko sa Kongreso tungkol sa hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa mga deliberasyon ng plenaryo para sa badyet ng kanyang tanggapan,” pambungad na pahayag ni Romualdez.
“Tatlong beses siyang inanyayahan, ngunit hindi siya sumipot. Bilang mga kinatawan ng sambayanan, umaasa kami na tutuparin ng lahat ng opisyal ng gobyerno ang kanilang mga tungkulin, lalo na kung ang usapan ay tungkol sa pambansang badyet,” dagdag ng lider ng Kamara.
Subalit iginiit ni Speaker Romualdez ang pangangailangang bigyan ng pondo ang OVP ang partikular para hindi mabalam ang operasyon nito at pangalagaan ang trabaho ng mga kawani nito.
“May ilang miyembro ng Kongreso na nagmungkahi na bawasan pa ang badyet ng Office of the Vice President, at ang iba pa ay nagpanukala na gawing zero ang pondo ng tanggapan dahil sa kanyang hindi pagsipot,” ayon sa pinuno ng 300-plus strong House of Representatives.
“Ngunit tinanggihan ko ang mga mungkahing ito. Naiintindihan ko ang mga pagkadismaya, pero naniniwala ako na mahalaga pa ring magkaroon ng sapat na badyet ang Office of the Vice President para magpatuloy sa paglilingkod sa ating mga kababayan,” wika ni Romualdez.
Bago pa man lumabas ang pahayag ni Romualdez, nagkaroon ng konsultasyon ang ang lider kongresista sa mga lider ng partido pulitikal mula sa Nacionalista Party (NP), Nationalist People’s Coalition (NPC), National Unity Party (NUP), Partylist Coalition Foundation, Inc., at iba pa kung saan natalakay ang proposed 2025 budget ng OVP.
“Ang magiging badyet para sa OVP ay P733 milyon na halos kapareho ng badyet noong panahon ni Vice President Leni Robredo. Kasama na dito ang P30 milyon na makakatulong sa pagharap ng OVP sa epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” ang sabi ni Speaker Romualdez, na siyang kinatigan naman ng mga kapwa niya mambabatas.
Dagdag pa ng Leyte lawmaker, ang hinihinging badyet ng OVP para sa satellite offices nito at pagpapatupad ng ilang social services ay ililipat na lamang sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) and the Department of Health (DOH).
“Mas mainam na ang mga serbisyong ito ay pamahalaan ng mga ahensyang mas sanay at may kakayahan,” paliwanag pa niya.
“Maaaring mag-refer si Vice President Duterte ng mga taong lumalapit sa kanyang tanggapan para sa kaukulang tulong sa nasabing mga ahensya,” ani Speaker Romualdez.