
Ni ESTONG REYES
UMANI ng kabi-kabilang batikos sa social media ang dalawang “kagalang-galang” na senador matapos magpalitan ng maanghang na patutsada at hamong halos mauwi sa umbagan sa mismong bulwagan ng senado.
Partikular na “pinulutan” ng mga netizens sina dating Senate President Juan Miguel Zubiri at Senator Alan Peter Cayetano bunsod ng Senate Concurrent Resolution na naglalayong mapigilan ang hindi pagboto ng mga residente ng 10 barangay na inalis ng Korte Suprema sa Makati City at inilipat sa Taguig City.
Kwento ng ilang saksi, nagkaroon ng pagtatalo sina Zubiri at Cayetano sa gitna ng sesyon – bagay na sinubukan pahupain sa paraan ng pagdedeklara ng break sa hangaring hilutin ang hidwaan.
Subalit sa halip na humupa ang tensyon, nagkainitan sina Zubiri at Cayetano na halos umabot sa sapakan.
“Don’t give me shit din pare. Pag lugar mo ilang beses kang nakiusap sa akin eh… at wag mo akong sigawan. Ilang beses ka rin nakiusap ah hanggang dun ah. Nag-abroad ka pa eh,” diin ni Cayetano.
“Anong gusto mo?” sagot naman ni Zubiri.
Doon na binaba ni Cayetano ang kanyang cellphone at sinabing “Anong gusto mo? Anong gusto mo?” at akmang susuntukin na si Zubiri.
Dito na pumagitna sina Sen. JV Ejercito at Ret. Gen. Roberto Ancan, chief ng Office Senate Sergeant-at-Arms (OSAA). Makalipas ang ilang minuto, humingi ng dispensa ang isa’t-isa.