NASA 200 estudyante ang sinasabing sinaniban ng masamang espiritu nitong Biyernes matapos dumalo sa Holy Mass sa Talibon, Bohol.
Isa sa mga estudyante ng San Jose National High School (SJNHS) ang biglang hinimatay habang ang iba ay nanginig at kinapos sa paghinga, sabi ni lawyer Lenard Querubin sa Facebook post.
Nasa eskuwelahan umano si Querubin nang maganap ang insidente.
“Ngayong umaga, sa San Jose National High School sa Talibon, Bohol ay maraming estudyante ang nagpakita ng kakaibang ugali at nawalan ng malay habang nagsisimba,”sabi ni Querubin.
Hiniling naman ni Talibon Mayor Janette Garcia na iuwi ang kanilang mga anak.
Isinugod naman ang ilan sa President Carlos P. Garcia Memorial Hospital sa Talibon town.
Gayunman, dalawa lamang sa 195 estudyante ang na-confine.
Ang SNHS ay ang pinakamalaking integrated high school sa lugar.
Naniniwala naman ang mga residente na nasaniban ng masamang espiritu ang mga estudyante.
Nagsimula umano ito noong nakaraang linggo kung saan sinabi ng mga estudyante na may mga kakaibang pangyayaring nagaganap sa kanilang eskuwelahan.
Ilan sa mga ito ang nagsabing isang maitim na tao ang nakita mula sa puno ng balete na nasa loob ng paaralan.