.
PASAY City — Muling nagbigay-pugay si Senador Mark Villar sa hanay ng mga katangi-tanging college graduates at mga lider-estudyante mula sa iba’t ibang institusyon ng higher education.
Para kay Villar, malaking bentahe sa bayan ang husay ng mga mag-aaral sa larangan ng pamumuno, akademya, at paglilingkod sa kanilang komunidad.
Kabilang sa mga pinarangalan ngayong taon sa Mark Villar Leadership Awards, ang mga nagsipagtapos na lider-estudyante mula sa Zamboanga Peninsula Polytechnic State University, Cebu Normal University, at Marinduque State University.
Binigyang-diin ni Villar ang mahalagang papel ng mga gradweyt, kasabay ng giit na ang tinamong tagumpay ay hindi lang sumasalamin sa kahusayan sa pag-aaral kundi maging sa katatagan, disiplina, at determinasyong malampasan ang iba’t ibang hamon sa kanilang paglalakbay sa edukasyon.
“Natutuwa tayo na sa kabila ng mga pagsubok at sakripisyong inyong pinagdaanan, nagtagumpay kayong maabot ang mahalagang yugto na ito sa inyong buhay. Kahanga-hanga ang inyong sipag, tiyaga, dedikasyon, at pagsusumikap na nagsisilbing inspirasyon sa kapwa ninyo kabataan,” wika ni Villar.
Hinimok din ng senador ang mga nagsipagtapos na dalhin ang mga aral, pagpapahalaga, at karanasang natutunan sa mga unibersidad habang tinatahak nila ang kani-kanilang mga propesyon at mga pangarap. Binigyang-diin din niya ang pangangailangan sa mga masigasig, matalino at responsableng kabataang Pilipino na handang harapin ang hamon ng mabilis na globalisasyon at pagbabago ng lipunan.
“As you move forward to the next chapter of your lives, I hope that you continue to use your knowledge, skills, and talents not only for your own success, but also in service of your communities and fellow Filipinos. Malaki ang maitutulong ng inyong bagong henerasyon sa paghubog ng mas maunlad at mas matatag na bansa,” dagdag pa niya.
Kinilala rin ni Villar ang mahalagang papel ng mga magulang, propesor, mentors, at mga mahal sa buhay na nagsilbing gabay ng mga estudyante sa paglalakbay sa edukasyon at tumulong sa paghubog sa kanila para maging responsable at produktibong mamamayan.
“Congratulations to the graduates and student leaders of Batch 2026, together with your proud parents, professors, and mentors. May you make a MARK through your leadership, compassion, and commitment to serving the Filipino people. I wish all of you success in your future endeavors,” pagtatapos ni Villar.
