Ni ESTONG REYES
MAS madali na ang paghahanap ng trabaho para sa mga senior high school graduates na nakapaloob sa Tech-Voc Track, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Sa isang kalatas, tiniyak ni Gatchalian na makakakuha ng libreng competency assessment at national certification kasunod ng pagsang-ayon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na paigtingin ang mga hakbang upang mapataas ang kahandaan sa trabaho ng senior high school graduates.
Sa ika-30 anibersaryo ng ahensya., tumanggap si Gatchalian ng Special Kabalikat Award bilang pagkilala sa adbokasiyang patatagin ang Technical and Vocational Education and Training (TVET) sa bansa.
Matatandang pinapondohan ni Gatchalian ang Free National Certification Assessment Program ng TESDA sa ilalim ng 2024 national budget.
Umabot P438 milyong nakalaan sa ilalim ng TESDA para sa pagsasagawa ng libreng competency assessments at pag-isyu ng national certifications sa mag-aaral ng senior high school sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track.
Inaasahang 420,967 mag-aaral sa SHS sa ilalim ng TVL track ang makikinabang sa naturang pondo.
Nagpanukala rin si Gatchalian ng P50 milyong pondo sa ilalim ng 2024 national budget upang madagdagan ang mga assessor ng TESDA sa hanagaring bigyan ng sapat na kakayahan ang ahensya para sa implementasyon ng programa. programa.
Dahil libre na ang assessment at certification, hindi na kailangan pang dumiskarte ng mahigit P1,000 ang kara mag-aaral para sa mga naturang requirement na karaniwang hanap ng mga kumpanya sa mga nag-apply ng trabaho.
Ang gastos sa assessment ang isa mga dahilan kung bakit mababa ang certification rate sa mga SHS graduates sa ilalim ng TVL track. Noong School Year (SY) 2019-2020, 127,796 (26.3%) lamang sa 486,278 na mga SHS-TVL graduates ang kumuha ng assessment.
Umabot naman sa 124,970 o 98% ng kumuha ng assessment ang pumasa at nakakuha ng national certification. Bumaba sa 6.8% ang overall certification rate noong SY 2020-2021.
Umaasa si Gatchalian na makakatulong ang programa na itaas ang certification rate ng mga mag-aaral sa SHS-TVL upang tumaas ang tsansang makakuha ng magandang trabaho.
Matatandaang 50% ng mga mag-aaral sa SHS-TVL na pumasok sa trabaho ay nasa elementary occupations tulad ng cleaners, vendors, at domestic helpers, batay sa pagsusuri ng Senate Committee on Basic Education sa datos ng Labor Force Survey.
“Nagpapasalamat ako sa TESDA dahil katuwang natin sila upang gawing libre ang assessment at national certification para sa ating mga senior high school graduates sa TVL track. Patuloy nating isusulong ang mga reporma upang lalong mapatatag ang TVET at matiyak na handa ang ating mga graduates na magtagumpay sa mga pipiliin nilang mga larangan,” ani Gatchalian.
Isinusulong din ni Gatchalian ang pagsasabatas ng Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367) na naglalayong gawing bahagi ng programa ng gobyerno ang libreng assessment at certification para sa mga senior high school graduates.
