BAWAL mangolekta o maningil sa mga pampublikong paaralan. Ito ang mahigpit na tagubilin ng Department of Education (DepEd) sa pamunuan ng mga public schools sa buong bansa kasabay ng giit ng libre dapat ang landas tungo sa magandang bukas.
Sa bisa ng DepEd Memorandum No. 41, s. 2024 (Reiteration of the “No Collection Policy” in Schools), inatasan ni Education Secretary Sonny Angara ang mga field at school officials na ipatupad ang mahigpit na pagbabawal sa pagbebenta ng mga tiket o koleksyon ng mga kontribusyon mula sa mga guro at mag-aaral sa mga public schools.
Gayunpaman, nilinaw ng Kalihim na hindi sakop ng naturang polisiya ang membership fees sa Red Cross, Girl Scouts of the Philippines, at Boy Scouts of the Philippines, gayundin ang mga kontribusyon ng mga magulang at iba pang donors at stakeholders para sa suporta ng barrio high schools.
“Sa hirap ng buhay, hindi na halos makagulapay ang mga magulang kung paano pagkakasyahin ang karampot na kita. Huwag na sana tayo dumagdag sa kanilang problema.”
