WALANG bahid alinlangan ang Senado na may sapat na badyet para sa libreng matrikula sa mga state universities and colleges (SUC) at technical courses bilang tugon sa paglobo ng mga pangangailangan ng sektor ng edukasyon.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, higit na angkop na tiyakin ng gobyerno ang dekalidad na edukasyon sa hanay ng mga kabataang tinawag niyang kinabukasan ng bayan.
Bukod sa mga SUCs at technical at vocational schools, kabilang rin aniya na babahagian ng pondo ang mga local universities and colleges (LUC).
Sa pahayag, sinabi ni Angara na tumatayong chairman ng Senate Finance Committee, na tumanggap ng pagtaas sa badyet ang 117 SUCs sa nakalipas na tatlong taon.
Nasa P1107 bilyon (labis ng P13.7B kumpara sa P93B noong nakaraang taon) di umano ang nakalaan sa mga SUCs sa ilalim ng pinagtibay ng 2023 National Expenditure Program.
Malaking bahagi aniya ng pagtaas ng badyet ng SUCs ang mapupunta sa research, innovation at future thinking at strategic foresight programs sa halagang P5 milyon kada pamantasan.
Gagamitin din ang pagtaas sa carrying capacities ng SUCs na may kursong medisina at nursing at iba pang allied health programs.
“Together with Finance committee senior vice chairperson Pia Cayetano, we worked for these increases in line with our common advocacies of improving the state of education and producing more doctors, nurses and other health care professionals in the Philippines,” ayon kay Angara.
Sa panahon ng pagiging chairman ni Angara ng Senate Finance Committee, tumaas ang taunang badyet ng SUCs mula P73.7 bilyon noong 2020 tungo sa P85.9 bilyon noong 2021 at P104.17 bilyon nitong nakalipas na taon.
Suportado din ng 2023 GAA ang implementasyon ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) law.
Sa ilalim ng badyet ng Commission on Higher Education (CHEd), may kabuuang P27.1 billion para sa UAQTE, kabilang ang P1.6 billion sa Tulong Dunong Program.
Para sa SUCs, umabot sa P18.8 biyon ang inilaan sa UAQTE habang P3.4 bilyon naman sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).