
NAKATAKDANG ibalik ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P10 bilyong alokasyong tinapyas ng Bicameral Conference Committee sa budget ng Department of Education (DepEd) para sa susunod na taon.
Sa isang panayam, inamin ni Marcos na lubhang nakakabahala ang budget cut ng Kongreso.
Bago pa man naglabas ng posisyon ang Pangulo, una nang inalmahan ni Education Secretary Sonny Angara ang P10-bilyong tinapyas ng Kongreso sa P12 billion proposed budget na nakasaad sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara.
Ayon sa Pangulo, tinatrabaho nang maibalik ang tinapyas na pondo dahil batid niyang mahalaga ang tinapyas na pondo sa DepEd.
Batay sa General Appropriations Bill na inaprubahan ng Bicameral Conference Committee, pinaglaanan lang ng P2 bilyon ang kagawaran ni Angara.
“Maybe this is the first thing, hindi pa buo ang sagot ko pero sasabihin ko na sa inyo, tinatrabaho namin yan. At kailangan na kailangan. Hindi, you know… P12 billion request, the original request of the P12 billion to be reduced down to two. P12B is only sufficient to maintain what we’re already doing when in fact we have to do more. So yun na nga, we have to figure that out.”
Samantala, walang binanggit na petsa si marcos kung kailan niya lalagdaan ang 2025 national budget.
Gayunpaman, pipilitin di umano niyang pakiusapan ang mga mambabatas ng dalawang kapulungan para ayusin ang budget cut bago niya pirmahan bago sumapit ang araw ng Pasko.
“Yes. Pilitin ko talaga that we will finish it by then.”