HINIKAYAT ng isang beteranong mambabatas ang pamahalaang nasyonal at lokal na kagyat pag-usapan ang mga mekanismong magbibigay-daan para sa karagdagang pondo ng barangay at Sangguniang Kabataan.
“After the barangay election, we really have to sit together as a nation and find out how we will add resources sa isang grupo na pinakamalaki yung responsibility,” ayon kay Senador Alan Peter Cayetano sa isang pulong kasama ang mga na opisyal ng Zamboanga City kamakailan.
Para kay Cayetano, malaking bentahe ang sabayang pangangalampag ng pamahalaang nasyonal at lokal para sa mabilisang aksyon ng Kongreso.
Ikinalulungkot rin ng senador ang aniya’y maliit na pondong pilit pinagkakasya ng barangay na direktang tumutugon sa ga-bundok na problema ng mga tao sa nasasakupan pamayanan.
“Executive head kayo dahil barangay captain, legislative official dahil head ng Sangguniang Barangay, and judiciary din dahil pinuno ng barangay justice system. Pero pagdating sa pera, kayo ang pinakamaliit,” wika niya.
Mungkahi ni Cayetano sa mga opisyal ng barangay, lalo na ang mga nasa mas malalayong lugar ng bansa, na bumisita sa Senado at sa Kamara upang ipadama ang kanilang presensya sa Kongreso.
“Sana po twice or thrice a year, o kung hindi man yung buong grupo but quarterly may presence kayo,” payo niya sa kanila. And pipilitin ko rin naman na mas makapasyal din sa inyo,” dagdag pa niya.
Samantala, nanawagan si Cayetano sa mga kapitan ng barangay na isagawa at itaguyod ang magandang asal sa kanilang mga barangay dahil ito aniya ang pundasyon ng isang matagumpay at maunlad na komunidad.
“’Pag inuna natin halimbawa na pinayagan natin lahat ng ilegal, smuggling, kidnapping, ilegal na sugal, maniwala po kayo panandalian lang OK ‘yon. Babagsak at babagsak hindi lang ekonomiya kundi masisira ang mga pamilya,” sabi niya sa mga local leaders.
“‘Wag nating ipagpalit yung tama sa mali para sa panandalian,” dagdag niya.
Ibinida ni Cayetano kung paano umunlad ang Lungsod ng Taguig sa pamamagitan ng pagsunod sa sinasabi sa Bibliya: “Seeking first the Kingdom of God and his righteousness.”
“N’un pong unang] naging Mayor si Lani, ang akin pong better half, noong 2010, ang utang ng Taguig is 1.6 billion, ang income ng Taguig 2 billion. By the time na nag-third term siya in 2019, walang utang ang Taguig, 10 billion pesos ang aming income, and almost 700 million ang scholarship.”
“So if every single thing that you propose, ang sagot sa inyo ‘subject to the availability of funds,’ ‘wag po kayong mawawalan ng pag-asa,” dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, hindi eksklusibo sa Metro Manila ang pag-unlad dahil ayon sa Bibliya, may magandang plano ang Diyos para sa lahat. “Ang Ama natin, gusto niya para sa lahat yun,” aniya pa.
“We focus on doing what is right, we focus on the economy also with the caveat na ‘pag ginawa natin ang kalooban ng Diyos ay darating at darating all other things that shall be added unto you,” pagtatapos ni Cayetano.