Ni Estong Reyes
KINALAMPAG ni Senador Grace Poe ang telecommunications companies na palakasin ang pakikipag-ugnayan sa pamahalaan sa pagbibigay ng libreng WiFi services sa nangangailangang public schools.
Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services, na dapat magkasanggang kumilos ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Education (DepEd) sa telcos upang matiyak na mabibigyan ang lahat paaralan partikular sa lib-lib na lugar ng libreng wifi bilang bahagi ng batas sa connectivity.
“Noong panahon na nakasandig ang edukasyon ng ating kabataan sa connectivity, krusyal ang access sa libreng internet na kailangan na maaaring maibigay ng telcos,” ayon kay Poe sa pinakahuling deliberasyon ng badyet ng naturang ahensiya sa 2024.
“Kung anuman na maibibigay ng telcos, maliit man, malayo ang mararating para sa episiyenteng pagtuturo sa ating mag-aaral, ayon kay Poe.
Sa pagtatanong ni Poe, natukalsan na aabot lamang sa 69 porsiyento na tinatayang 45,000 public schools ang may wifi acces at hindi pa pantay-pantay ang bilis.
“Hindi ko maisip na para sa isang malaking populasyon ng estudyante na walang access sa wifi na ngayon, ating sinasabi na bahagi ng bagong normal ang online education,” paliwanag ni Poe.
“May ilan na nakakapaglaan ng ilang halaga para sa wifi para sa kanilang paaral tulad ng pagsasaliksik, pero paano iyong iba na walang paraan upang magkaroon sila ng access,” dagdag ng senador.
Dahil dito, inatasan ng senadora ang DepEd na magsumite ng ulat hinggil sa kalagayan ng connectivity ng public school upang matukoy ang lugar na kailangan ng internet access.
Aniya, mahalaga ang makakalap na impormasyon kapag naisalang ang panukalang badyet ng DICT sa plenaryo.
Umaasa naman si Poe na magpapatuloy ang telcos na maging kabahagi ng pamahalaan sa programang digitalization.
“Naniniwala tayo na palaing tutugon ang telcos sa hamon na kumilos pa para sa katuparan ng adhikain ng inclusive at de-kalidad na edukasyon,” ayon kay Poe.