HIGIT na angkop agad na magawan ng paraan ng pamahalaan pigilan ang malawakang pagkalat ng 1.4-milyong litro ng langis na tumagas sa MT Terra Nova na lumubog sa bahagi ng Manila Bay na sakop ng Bataan noong nakalipas na linggo.
Sa pagtataya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nasa P351 milyon na ang halaga ng perwisyo sa hanay ng mangingisda sa loob ng 22 araw.
Partikular na tinukoy ng ng BFAR ang dusa ng tinatayang 46,000 mangingisda mula sa tatlong rehiyon sa Luzon – Region III, Calabarzon at Metro Manila.
Una nang nagpahayag ng pangamba si Cavite Gov. Jonvic Remulla sa posibleng epekto sa kabuhayan ng mga mangingisda mula sa nasasakupang lalawigan matapos makatanggap ng ulat na umabot na sa apat na baybaying bayan ang tumagas na langis mula sa MT Terra Nova.
