
SA gitna ng malakas na pag-ulan dulot ng low-pressure area na sinabayan pa ng hanging Habagat, hindi malayong tamaan ng landslide, debris flow at flash flood ang ilang lugar sa Luzon.
Sa kalatas ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), partikular na tinukoy ang nakaambang peligro sa 252 barangay sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Zambales, Bataan, Apayao, Kalinga at Ilocos Sur.
Bantay sarado rin sa MGB ang nasa 412 barangay sa mga lungsod ng Maynila, Marikina, Pasig, Quezon City, Caloocan, Novaliches, Navotas at Malabon.
Batay sa pagtataya ng Pagasa, inaasahan hanggang Linggo ang malakas na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng Luzon dahil sa epekto ng LPA at Habagat. (LILY REYES)