SA halip na agarang tugon, naghanap ng pagbubuntunan ng sisi ang Department of Health (DOH) sa pagdami ng kumpirmadong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa.
Para kay Health Sec. Ted Herbosa, malaki ang impluwensya ng online pornography, dating apps at “extra service” ng mga spa, sa pagsipa ng mga kumpirmadong kaso ng HIV.
Ani Herbosa, lubhang nakakabahala ang “open access” ng mga kabataan sa mga porn sites sa internet, gayundin sa dating apps, at ang umano’y hindi paggamit ng proteksyon sa pagtatalik.
“Mataas ang risky behavior dahil sa easy access to pornography online, mga dating apps, hindi paggamit ng protection at may mga spa na nagpi-pretend na spa pero actually brothel sila,” wika ng Kalihim.
Sa datos ng DOH, malaking bahagi ng mga HIV-positive ang mga kalalakihan, kasabay ng hirit sa Kongreso na magpasa ng batas para sa mandatory HIV test sa lahat ng kasarian.
Sa kasalukuyan, ani Herbosa, mga female sex worker lamang ang obligadong sumalang sa pagsusuri.
“Yung batas natin for testing of female sex workers – nakalagay kasi sa batas female sex workers and 95 percent of our HIV are men having sex with men hindi sila nati-test so baka kailangan din natin balangkasin iyon – female sex worker lang ang nakalagay.” (ITOH SON)
