Ni EDWIN MORENO
KAPWA sibak sa pwesto ang dalawang aktibong pulis na kapwa miyembro ng special action force (SAF) sa Zamboanga matapos mabuking na rumaraket bilang bodyguard ng isang Chinese national na nakabase sa Maynila.
Bukod sa tanggal sa pwesto, nahaharap din sa kasong kriminal sina Police Corporal George Mabuti at Patrolman Roger Valdez bunsod ng nangyaring tensyon sa lungsod ng Muntinlupa noong makalawa.
Batay sa imbestigasyon, lumalabas na inaresto sina Mabuti at Valdez sa loob ng isang exclusive subdivision kung saan nag-away di umano ang dalawa.
“With regards to SAF and talaga tunay and nangyari yan and we have already arrested these people and filed a case against them for moonlighting and in fact it was reported by our NCRPO na talagang restricted yung dalawa…They were assigned in Mindanao and nagugulat kami bakit nandito po and talagang hindi dapat nangyayari yan especially doon sa special unit,” wika ni PNP chief Rommel Francisco Marbil.
Kapwa aminado sina Mabuti at Valdez na nagtatrabaho sila bilang bodyguard ng hindi pinangalanang Chinese national kapalit ng buwanang sahod na nagkakahalaga ng P40,000.
“Right now yung sa Chinese, basta ang pagkaalam namin nandito sila Metro Manila unauthorized sila. Kung ano ang ginagawa sa Metro Manila, I think they are giving VIP escort services but we don’t want to, hindi namin sasabihin kung sino talaga yung binibigyan ng escort service nila ano but one thing is for sure there is violation of Rule 21 Sec. 16 paragraph MMC 21 or grave irregularity in the performance of duty.”
Bukod sa dalawang arestadong pulis, sabit din ani Marbil ang mga PNP officials na may hawak sa kanila.
“Doon sa finile namin and we want to make sure ang kanilang mga in charge sa kanila ay kasama doon sa kaso. Not only the 2 SAF personnel ang kakasuhan namin ha. Pati yung battalion commander, pati yung company commander. Bakit pinapayagan ang ganitong pangyayari sa SAF,” ani ni Marbil.
“Yung battalion commander, yung company commander, pati yung tao na yung first sergeant nila and the one who is making the report na present yung tao. Kasama na sigurado sa 9 yung pinaimbestigahan namin…we are not happy kapag nasasangkot yung pulis. Sabi ko nga doon sa PNP natin every time may nangyayari sa pulis hindi lang yung isang tao nasasaktan. The whole organization.”
