
SA kabila ng halos maghapong mabigat na buhos na ulan, tatlong insidente ng sunog sa Metro Manila ang naitala ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Unang nahagip ng sunog ang isang bodega sa kahabaan ng Sandoval Avenue sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.
Sa ulat ng BFP, kinailangan isara ang kalsadang nagdurugtong sa lungsod ng Pasig at bayan ng Taytay (sa lalawigan ng Rizal) upang bigyang daan ang puspusan pag-apula ng sunog ng mga bumbero.
Dakong alas 9:30 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa panulukan ng Kalye Santos at Ramon Magsaysay Avenue sa Sta. Mesa, Manila
Nasa 13 trak ng bumbero ang nagtulong-tulong apulahin ang sunog na umabot sa ikatlong alarma.
Bandang alas 11:20 naman nang tupukin ng malakas na apoy ang isang residential area sa likod ng isang elementary school sa Barangay Addition Hills, sa lungsod ng Mandaluyong.
Ayon sa BFP, nagsimula ang sunog sa likod ng Nuebe de Pebrero Elementary School. Inabot ng tatlong oras bago ideklara ng mga bumbero na “under control” ang naturang sunog.
Wala naman naitalang nasawi o nasaktan sa mga naturang insidente. (LILY REYES)