
BAHAGYANG maiibsan ang arawang pasakit sa hanay ng mga estudyante at manggagawang bumabyahe sa Maynila para mag-aral at magtrabaho, sa pagbubukas ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 Cavite Extension Phase 1 Project.
Para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., malaking ginhawa sa libo-libong commuters ang pagbubukas ng operasyon ng LRT-1 Cavite Extension na abot hanggang Sucat Parañaque.
Pinangunahan ng Pangulo ang inaugural train ride nitong Biyernes ng umaga, Nobyembre 15, pagkatapos ng inagurasyon ng proyekto.
“Hinihikayat ko lahat ng ating mga commuter, subukan ninyo napakaginhawa kumpara sa traffic na nararanasan natin araw-araw,” wika ng Pangulo kasunod ng inaugural train ride.
“Napakalaking bagay, napakalaking maibigay na ginhawa at mas mabilis, makakapag-save ng time at simple lamang ang pagsakay ng tren,” pahabol ni Marcos.